Tag Archives: #OustDuterte

Butas-butas ang Iyong Kulambo

Mahilig, mapaghilik, manyakis, mapang-api, mamamatay-tao, magnanakaw, makasarili, manhid, misogynist… magwawakas din ang iyong karimlang ipinakakalat kahalo ng sangsang ng iyong kaluluwa.

https://www.rappler.com/voices/editorials/we-stand-with-lady-ann-salem-journalist-arrested?fbclid=IwAR3zeXTXBnuDayM2ZFCZquJLu6BI4_Ox_RpIlfoshftoRKBdqDoDqkWVrQc


Isa pang tugon sa pag-iingay ng DDS

Paghahati sa Iniluwal na Kaban ng Bayan

“Araw-araw, binibilang ang mga nabubuwal…
Sa gutom ay natatakot yaong nag-aagawan,
Kinakalas na ang batas, pumapalag kung masúkol. ”
– “Luwalhati” ni Rebecca T. Añonuevo

Maiging maunawaan na hindi mahika
ang agham. Lohika ang wika nito,
batay sa masusing pagmamasid, paghahanap
ng mga kaugnayang madalas hindi inaasahan.

May sukat na limitado ng panukat,
may panghuhula, ngunit may materyal na
kinahahabian, tila sapot na kay dali ring mapigtal
kung mapapatunayang may ibang posibleng paliwanag.

Kaya dating makatang bula na ngayon
ang lohika, bakit mo tinutuya na tila kakilala
ang Kamatayan? Sa ibang panahon, mapapalampas
sana ito, parang ingay sa perya na naghahatid
ng panandaliang paglimot sa pang-araw-araw na pagod.

Maaari mo pang mala-Hamlet na hawakan
ang bungo ng kung-sinong estranghero,
magyayakyak ka’t magtitili hanggang umusbong
ang lahat ng litid mula leeg hanggang kilikili.

Ngunit sa ilalim ng kasalukuyang rehimen
na iyong sinasamba, katawa-tawa.
Hindi tawang may tuwa,
kundi matinding kapaitan.

Gamitan mo kaya ng agham ang pagbibilang
sa iniluwal na kaban ng bayan?
Hanapan mo kaya ng mga materyal na patunay
ang landas na tinahak ng bawat piso
sa bilyon-bilyong ipinagkatiwala sa tuliro-
kung-magsalita mong poon?

“Tahimik ngayon ang paligid, ngunit di lubhang tahimik,”
ang wika mo. Ang tugon dapat ng Kamatayan,
mula rin sa iyong salita: “Traydor ka
mula’t mula, hindi patas kung lumaban.”

-o-